Ano ang Passiontide at bakit tinatakpan ang mga Imahe kapag Passiontide?



Tuwing sasapit ang Ika-limang linggo ng Kuwaresma, ating napapansin na ang mga imahe lalo na ang mga Krusipiho sa mga parokya ay natatakluban ng kulay-lilang tela. Ang kaugalian to ay ang simula ng ‘Passiontide’. Ang panahon na ginugunita nating mga Katoliko ang sumisidhing pagpapahayag ng pagka-Diyos ni Kristo at ang kanyang pag usad patungong Jerusalem. Ang Tradisyong ito ay nagmula sa dating Kalendaryong Liturhikal kung saan ang dating ebanghelyong binabasa sa araw na ito ay naglalahad ng kung paano itinago ni Hesus ang kanyang sarili sa mga Hudyong nais siyang batuhin.


Ayon sa ebanghelyo ni San Juan, “nagkaroon ng salungatan si Hesus at ang mga Hudyo ng ipahayag ni Hesus ang kanyang pagiging Diyos. Dahil dito kumuha sila ng bato para siya’y batuhin ngunit nagtago si Hesus at lumabas ng Templo.” Ang buong salaysay na ito ay mababasa sa Kapitulo 8 Bersikulo 48-59 ng ebanghelyo ni San Juan. Sa Pagbabago ng Kalendaryong Liturhikal noong 1969, ang ebanghelyong ito ay maririnig tuwing Huwebes ng ika-limang linggo ng Kuwaresma. 


At ayon kay San Agustin, sa sandaling kinubli ni Hesus ang kanyang sarili, si Kristo ay naglaho sa pamamagitan ng kanyang Kalikasan bilang Diyos o “Divine Nature”. Ipinaliwanag di ni San Agustin na ang pagkukubli ni Hesus ay hindi bunsod ng takot o pagtakas kundi ang kanyang kapangyarihan bilang Diyos ang nagdulot sa kanya upang maglaho at dumaan sa gitna ng mga tao.


Bilang tanda ng Misteryong ito, ang mga Krus at mga imaheng may kinalaman kay Kristo ay tinatakpang ng Lilang tela sa Gabi bago ang ‘Passiontide’. Tinatakpan di ang mga imahen ng mga Santo at Santa sapagkat nararapat lamang na kung ang Kaluwalhatian ng Panginoon ay nakakubli, gayon di ang mga tapat niyang lingkod ay hindi dapat magpakita.


Walang komento:

Mag-post ng isang Komento